Sa ilang anyo ng tula, ang Tanka at Haiku ang pinahahalagahan ng panitikang Hapon. Lumaganap ang Tanka noong ikawalong siglo at ang Haiku noong ika-15 siglo. Layunin ng mga tulang ito na pagsama-samahin ang mga ideya at imahe sa pamamagitan ng kakaunting salita lamang.
Ang pinakaunang Tanka ay nasa kalipunan ng mga tula na tinawag na Manyoshu o Collection of Ten Thousand Leaves, isang antolohiya na naglalaman ng iba’t ibang anyo ng tula na karaniwang binibigkas at inaawit ng nakararami.
Sa panahong lumabas ang Manyoshu, kumawala sa makapangyarihang impluwensiya ng sinaunang panitikang Tsino ang mga manunulat ng Hapon. Ang mga unang makatang Hapon ay sumusulat sa wikang Tsino sapagkat eksklusibo lamang ang wikang Hapon sa pagsasalita at wala pang sistema ng pagsulat. Sa pagitan ng ikalima hanggang ikawalo siglo, isang sistema ng pagsulat ng Hapon ang nilinang na mula sa karakter ng pagsulat sa Tsina upang ilarawan ang tunog ng karakter ng Hapon. Tinawag na Kana ang ponemikong karakter na ito na ang ibig sabihin ay “hiram na mga pangalan”.
Noong panahong nakumpleto na ang Manyoshu, nagsimulang pahalagahan ng mga makatang Hapon ang wika nila sa pamamagitan ng madamdaming pagpapahayag. Kung historikal ang pagbabatayan, ipinahahayag ng mga Hapon na ang Manyoshu ang simula ng panitikan nilang nakasulat na matatawag nilang sariling-sarili nila.
Maiikling awitin ang ibig sabihin ng Tanka na puno ng damdamin. Bawat Tanka ay nagpapahayag ng emosyon o kaisipan. Karaniwang paksa naman ang pagbabago, pag-iisa, o pag-ibig. Tatlumpu’t isa ang tiyak na bilang ng pantig na may limang taludtod ang tradisyunal na Tanka. Tatlo sa mga taludtod ay may tigpitong bilang ng pantig samantalang tiglimang pantig naman ang dalawang taludtod. Nagiging daan ang Tanka upang magpahayag ng damdamin sa isa’t isa ang nagmamahalan (lalaki at babae). Ginagamit din sa paglalaro ng aristocrats ang Tanka, kung saan lilikha ng tatlong taludtod at dudugtungan naman ng ibang tao ng dalawang taludtod upang mabuo ang isang Tanka. Gaya nga nang naipahayag na sa unang bahagi ng tekstong ito, noong ika-15 siglo, isinilang ang bagong anyo ng pagbuo ng tula ng mga Hapon. Ang bagong anyo ng tula ay tinawag na Haiku.
Noong panahon ng pananakop ng mga Hapon sa Pilipinas lumaganap nang lubos ang Haiku. Binubuo ng labimpitong pantig na nahahati sa tatlong taludturan. Ang pinakamahalaga sa Haiku ay ang pagbigkas ng taludtod na may wastong antala o paghinto. Kiru ang tawag dito o sa Ingles ay cutting. Ang kiru ay kahawig ng sesura sa ating panulaan. Ang Kireji naman ang salitang paghihintuan o “cutting word”. Ito ay kadalasang matatagpuan sa dulo ng isa sa huling tatlong parirala ng bawat berso. Ang kinalalagyan ng salitang pinaghintuan ay maaaring makapagpahiwatig ng saglit na paghinto sa daloy ng kaisipan upang makapagbigay-daan na mapag-isipan ang kaugnayan ng naunang berso sa sinundang berso.
Maaari rin namang makapagbigay - daan ito sa marangal na pagwawakas. Ang mga salita na ginagamit ay maaaring sagisag ng isang kaisipan. Halimbawa ang salitang kawazu ay “palaka” na nagpapahiwatig ng tagsibol. Ang higure naman ay “unang ulan sa pagsisimula ng taglamig”. Mahalagang maunawaan ng babasa ng Haiku at Tanka ang kultura at paniniwala ng mga Hapon upang lubos na mahalaw ang mensaheng nakapaloob sa tula.
Ponemang Suprasegmental
Diin- bilang ponemang suprasegmental, ito ay lakas, bigat o bahagyang pagtaas ng tinig sa pagbigkas ng isang pantig sa salitang binibigkas.
Halimbawa: sa salitang /kamay/, ang diin ay nasa huling pantig na /may/.
Ito rin ay isang ponema sapagkat sa mga salitang may iisang tunog, ang pagbabago ng diin ay nakapagbabago sa kahulugan nito.
Halimbawa:
1. Hiram lamang ang /BUhay/ ng tao.
2. Sila /LAmang/ ang /buHAY/ sa naganap na sakuna, kaya masasabing /laMANG/siya.
Hinto o Antala – saglit na pagtigil ng ating pagsasalita upang higit na maging malinaw ang mensaheng ibig nating ipahayag sa ating kausap.
Halimbawa:
1. Padre, Martin, ang tatay ko. (Ipinakikilala mo ang iyong ama sa isang pari at sa kaibigan mo.)
2. Hindi, si Cora ang may sala. (ipinaalam na si Cora ang may kasalanan.
3. Magalis (puno ng galis)
mag-alis (maghubad, magtanggal at iba pa)
Haba – paghaba o pag-ikli ng bigkas ng nagsasalita sa patinig ng isang pantig sa salita. Ginagamit ang ganitong notasyon /./ at /:/ na siyang nagsasaad ng kahulugan ng salita
Halimbawa:
a. /asoh/ - usok
/a:soh/ - isang uri ng hayop
b. /pitoh/ - bilang na 7
/pi:toh/ - silbato
May apat na prinsipal na uri ng bigkas o diin sa Filipino:
Malumay. Binibigkas ito nang dahan-dahan at may diin sa pagbigkas sa ikalawang pantig buhat sa hulihan. Ito ay hindi ginagamitan ng anumang tuldik o palatandaan. Maaaring magtapos ang salitang malumay sa patinig o katinig.
Mga Halimbawa:
buhay malumay kubo baka kulay babae
dahon apat
Malumi- Ang bigkas na malumi ay tulad sa bigkas ng mga salitang malumay. Ito’y binibigkas nang dahan-dahan at may diin sa ikalawang pantig buhat sa hulihan. Ang ipinagkaiba lamang ng dalawang pagbigkas na ito ay ang impit na tunog sa dulo ng mga salitang malumi. Palaging nagtatapos sa tunog patinig ang malumi. Ginagamit natin ang tuldik na paiwa (\) sa pagpapakilala ng mga salitang binibigkas nang malumi.
Mga halimbawa:
baro lahi pagsapi bata luha mayumitama lupa panlapi
Mabilis- Ang mga salitang mabilis ay binibigkas nang tuluy-tuloy na ang diin ay nasa huling pantig. Wala itong impit na tunog. Maaaring magtapos ang mga salitang binibigkas nang mabilis sa katinig o patinig. Ginagamitan ito ng tuldik na pahilis (/) na inilalagay sa ibabaw ng huling patinig ng salita.
Mga Halimbawa:
dilaw pito kahonbulaklak huli sapinbuwanrebolusyon
Maragsa. Ang mga salitang maragsa ay binibigkas nang tuluy-tuloy na tulad ng mga salitang binibigkas nang mabilis, subalit ito’y may impit o pasarang tunog sa hulihan. Tulad ng malumi, ito ay palagiang nagtatapos sa tunog na patinig. Ginagamit dito ang tuldik na pakupya (/\) na inilalagay sa ibabaw ng huling patinig ng salita.
Mga Halimbawa:
Daga wasto pasa tumula hindi kumolo humula
No comments:
Post a Comment